Pahayag ng iDefend sa ika-50 taong anibersaryo ng pagdeklara ng batas militar
Limampung taon mula nang ideklara ang batas militar sa ating bayan. Nagawa ng mamamayang Pilipinong ipagtanggol at ipagwagi ang laban na muling umiral ang demokrasya sa bansa. Ngunit ito’y patuloy na pinipilit nakawing muli, binabaluktot ang kasaysayan, itinatanggi ang katotohanan, at pilit na pinaliliit ang espasyo para sa ating karapatang magpahayag at kalayaang magprotesta sa lahat ng kamaliang nagaganap sa bansa.
Sa araw na ito, patuloy nating binubuhay ang tunay na diwa ng pagmamahal sa bayan. At hindi tayo papayag na muling agawin sa atin ang demokrasyang marapat na tinatamasa nating mga Pilipino. Kasabay ng ating paggunita sa deklarasyon ng batas militar, tayo ay naninindigang ipagpatuloy ang laban para sa katotohanan sa ngalan ng lahat ng naunang nanindigan. Hindi tayo bibitiw sa pagtatanggol para sa kalayaan, katarungan at karapatang pantao. Haharapin natin ang sistematiko , sopistikado at mulat na pagpapalaganap ng kasinungalingan upang linlangin ang taumbayan sa tunay na sitwasyon at kaganapan sa lipunan, at papgkubli ng mga nangyari sa kasaysayan. Hindi Tayo papatinag,magpapabulag o magpapabola. Maninindigan tayo!
Maninidigan tayong isulong ang demokrasya sa ating bayan, Hanggang maiwaksi nang tuluyan ang sistemang nagpapamayani ng mga awtokratiko at mandarambong sa kapangyarihan. Ilaban ang ating mga karapatan at ang kagalingan ng sambayanan.
Sa pagbabalik ng mga Marcos at pagtutuloy ng mga Duterte sa kapangyarihang nakasalalay sa patuloy na pagsasabwatan ng pinaka sagadsaring mga dinastiya at patronaheng pulitikal, nangangailangan ng mahigpit na pagkakapit-bisig.
Ito ang ating kagyat na tungkulin at sa lalong madaling panahon, pasiglahin at palawakin ang ating hanay; palakasin ang tinig ng pagkakaisa ng mga sektor at tiyaking may kakayahang tumindig para sa katotohanan ng kasaysayan ng batas militar. Nasa atin ang tunay na kapangyarihan sa lipunan, nasa atin ang tunay na lakas ng paglaban.
Sa ating iisang lakas at tinig, kaya nating muling ipagwagi ang pakikibaka ng sambayan. We have Never Forgotten, sama sama nating ipagtanggol at ipagwagi ang kalayaan, ang demokrasya, ang karapatang pantao.
iDEFEND | Setyembre 21, 2022