Skip to main content

TANGAN NATIN ANG EDSA HANGGANG NGAYON

Image
EDSA People Power 1986

Pahayag ng iDefend sa ika-37 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Uprising

Hindi lang minsan nagisnan ng ating kasaysayan ang pagkabuklod buklod ng mamamayan upang ipaglaban ang kalayaan at katarungan. Aral natin ang himagsik ng bayan laban sa dayuhang mananakop, ang pagtindig laban sa tiranya, ang pagtatanggol alang alang sa kapakanan ng bawat isa.

Ang people power uprising ay isa muling pagpapaalala na kaya ng mamamayang tumindig ng iisa at ipagwagi ang mga usaping ating kinakaharap. Hindi ito tungkol lamang sa isang tao o grupo. Hindi ito away ng dalawang pamilya. Ito ay pagkilos ng sambayanang nagpasyang lumaban.

Higit sa lahat, tinampok ng people power ang kabayanihan ng mamamayang Pilipino, ang kanyang tunay na pagmamahal sa tinubuang lupa, at sama samang pagtatakwil sa diktadura. Tanda ito ng ating adhikain bilang bansa tungo sa buhay na malaya, mapayapa at may dignidad. Nawa’y patuloy itong maging paalala sa atin na ang pagwawagi ng ating mga pakikibaka ay nasa ating kapasyahang tumindig at lumaban.