Skip to main content

SONA 2021: WAKASAN ang Krisis sa Karapatan! PANAGUTIN ang Rehimeng Duterte!

Image
SONA 2021 Duterte Panagutin!

Sa darating na Lunes,Hulyo 26, ay ika-anim at inaasahang huling State of the Nation Address (SONA) na ng rehimeng Duterte. Tiyak tayo na bukod sa pagtala ng mga nagawa, pagbatikos sa mga kritiko’y tuwiran nitong ieendorso na ipagpatuloy ang kanyang tipo ng paggugubyerno (“his brand of governance”) sa pamamagitan ng kanyang natatanging hinirang o anointed --anak man o kasapakat para sa darating na 2022. Hindi lingid sa taumbayan ang kagustuhan ni Duterte na tumakbo bilang Bise-Presidente, sukat labusawin na ang mismong proseso ng kanyang sariling partidong PDP-LABAN.

Hindi ito ang “ulat sa bayan” na ating inaasahan mula sa punong ehekutibo. Ang masaklap, ang mga nakahanay na prayoridad na batas para sa pagbubukas ng bagong session sa Kongreso ay pawang papabor sa dayuhan at dambuhalang Negosyo kaysa sa maliliit na mamamayan na hirap na sa kambal na hagupit ng krisis sa ekonomya at epekto ng pabaya at militaristang tugon sa pandemyang COVID 19.

Pamumunong Naghudyat ng Krisis sa Karapatan

Di pa man umuupo, kilala na ang madugo at anti-demokratikong record ni Duterte mula sa kanyang ilang dekadang pamamahala sa Davao kung saan nauna na itong na-imbestigahan ang Davao Death Squad (DDS) noong panahon ni Senator Leila De Lima na dating pinuno ng Commission on Human Rights (CHR).

Bago pa nahalal si Duterte nauna na siyang nireklamo ng hanay ng mga kababaihan sa Gender Ombud dahil sa pag aalipusta at pambabastos sa kababaihan.

Pagkaupo sa Malakanyang, inilatag ang madugong Oplan Double Barrel ng walang malinaw na batayan o kumprehensibong plano tungkol sa usapin ng droga sa bansa. Ang masalimuot na problema ng paglaganap ng droga ay hinarap lamang bilang usapin ng “peace and order” imbes na tugunan ang malalalim na ugat at aspeto nito. Una nang napatunayan ng mga bansa tulad ng Columbia, Thailand at Mexico na palpak at kapos ang ganitong pagharap sa usapin.

Sa kalaunan, hindi droga ang napupuruhan kundi ang mga maliliit at dukha, nakabalot ang mukha at may karatulang babala. Pinagtakpan ang karumaldumal na pagpatay ng pulis sa dahilang “nanlaban “; malayo sa peligro at di naman naparusahan ang malalaking isda, madalas sa hindi’y nakakatakas pa ang mga ito. Tuloy tuloy ang pasok ng droga sa bansa. Samantala, lumulobo ang bilang ng pinapaslang, bukambibig na ang EJK, palit-ulo, palit-puri, at anomalya sa mga buy-bust operation, habang ramdam ang chill effect sa mga komunidad lalo’t walang kinikilalang bata,babae,nanay,tatay o lolo’t lola ang bala-- unipormado man ang may hawak ng baril o hindi.

Ang pagbasura sa pananaig ng batas (rule of law) ay lalong nagpahirap sa pagkamit ng hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima ng gera kontra droga sa isang banda at lumikha ng kultura ng impunidad (walang pananagutan) para sa mga tinagurian ni Duterte na “my policemen at my soldiers” na syang nagpapatupad ng giyerang ito. Bukod sa walang kuwentang imbestigasyon ng Department of Justice sa mga kasong anya’y batbat ng anomalya (di sumusunod sa mga procedures ang mga pulis at iba pang irregularidad sa operasyon), iisa lamang ang kasong nahatulan- ang mga pulis na pumatay kay Kian de Los Santos- dahil pa lumakas ang protesta ng taong bayan.

Kaakibat ng sentrong programa ng pagpatay nagawa pa nitong maiwasiwas ang lantay na kapangyarihan, lagpas sa ipinahihintulot ng batas, halimbawa makailang beses na nagbanta ng Martial Law hanggang sa maipataw ito sa kabuuan ng Mindanao, ang pagbabanta ng karahasan sa mga kritikong tinuturing nyang kaaway at kanyang pilit idinidikit kundi sa terorismo ay sa droga.

Higit na nakagagalit ay ang kawalang respeto at pambabastos ni Duterte sa kababaihan. Pinangalandakan ang seksismo at misogynistic na aktitud sa harap ng tapang na pinamalas ng kababaihang bumatikos sa kanyang polisiya’t pamamalakad- mula sa isang Senadora, Bise Presidente, Ombudsman at Punong Mahistrado ng Supreme Court!

Nakita rin natin si Duterte na maagang nagbayad ng utang na loob sa suportang tinanggap nuong eleksyon – paglilibing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani, napawalang -sala ang mga katiwalian nina Enrile, Revilla, Estrada at GMA, inareglo din ang paborableng kundisyon para sa negosyo ng mga alyado tulad nina Dennis Uy, ang mga Razon at kahit ang mga Villar. Namatay ang usapin ng mga anomalya’t korapsyon na nadadawit ang kanyang mga kasapakat tulad ng milyong nakurakot sa PHILHEALTH na wala pang nakasuhan hanggang ngayon.

Ni hindi madagdagan ang pera para palakasin ang ating HEALTH CARE System o pabilisin ang pagbabakuna ng mamamayan para makamit ang HERD IMMUNITY; o kaya naman ay bigyan ng suportang ayuda ang mga frontliners o tiyakin man lamang na mabigyan ng HAZARD PAY ang mga ito, sa kabila ng mapapasong Bayanihan Act 2.

Ang tanging interes na iniingatan ni Duterte ay ang sa dambuhalang negosyo’t dayuhan kahit sa kabila ng protesta ng mamamayan tulad ng pagtutulak ng reklamasyon sa Manila Bay para sa turista na katumbas naman ng pagkabaha ng mga kalapit na lugar dito at pagpapalayas sa milyong mangingisda sa kanilang lugar-kabuhayan at pagtutuloy ng pagmimina sa sa Didipio.

Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa itinuturing na pinakamapanganib na lugar para sa mga environmental advocates at activists, mga manggagawa at mga journalists.

Kung matigas ang gobyerno sa harap ng nagugutom na mamamayan, tila malambot ito lalo na pagdating sa pagigiit ng kapakanan natin sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng mga bahura, shoal at islands sa West Philippine Sea, sa harap ng pag-angkin dito ng Tsina, gayundin sa pagbabasura sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos, pagkatapos pumusturang ibabasura ito nuong nakaraan.

Naisuko na natin ang ating soberenya sa dalawang dambuhalang superpowers na ito, malalagay pa tayo sa bingit ng alanganin sa pag-escalate ng mga angilan at tensyon sa pagitan ng US at Tsina sa bahaging ito ng daigdig.

Ilang beses itinulak ang Charter Change upang sagad nang buksan ang natitira pang mga bahagi ng ekonomya at likas yamang di pa nasasaid ng dayuhang Negosyo; kalakip ng ganitong hakbangin ay ang pagtutulak ng pananatili sa kapangyarihan ng mga mambabatas sa pamamgitan ng unli-term sa ilalim ng transition government. Sinabayan ito ng tatlong ulit na tangkang REV GOV or revolutionary government ng mga galamay ni Duterte ngunit pawang bigo ang mga ito.

At sa harap ng sumasahol na kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng pandemya’t krisis sa ekonomiya, iniratsada ang Anti-Terrorism Act of 2020, bilang kasangkapang gagamitin laban sa mamamayang kritikal at progresibo, habang kinukubli sa national security, peace and order at anti-insurgency ang mga lehitimong karaingan, at pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.

Marapat patalsikin ang rehimeng Duterte subalit mas dapat managot ito

Sapat na panahon na ang lumipas upang makapaghusga ang mamamayan sa paggugubyerno ng rehimeng Duterte bilang sanhi ng ibayong kahirapan, nag udyok ng karahasan at pagyurak ng rule of law lalo na sa hanay ng alagad ng batas; nagpahintulot sa higit na pandarambong sa ating likas-yaman at ipinagkanulo ang ating soberanyang-bayan pabor sa interes ng ibang bayan. Panahon na upang panagutin natin ang rehimeng ito at tumindig sa isang pagpapanibagong-anyo ng pamamahalang kumikilala sa karapatan at inuuna ang kagalingan ng taumbayan.

Hudyat ang SONA sa ating paniningil, hanggang tuwiran nang matapos ang panguluhang Duterte at mabigo amg mga kasapakat nito sa ambisyong mahawakan muli ang Malacañang sa eleksyong 2022.

Malaking kabiguan ang napala ng sambayanan kay Duterte. Oras na upang buuin ang lakas ng ating pagkakaisa at sama-samang pagkilos para maging totoong gubyerno ng mamamayan na may pagpapahalaga sa karapatan, ang makapamuno sa atin. Ito ay imposible hangga’t nariyan ang mga mga Marcoses, Arroyo at Duterte, sampu ng mga oportunistang pulitikong nais bulagin at bilugin ang ulo ng ating mga kababayan, na nagpoposturang “oposisyon”.

Buhay, karapatan at kabuhayan ay igiit, adyenda ng mamamamayan ay ipaglaban!

Duterte Panagutin!