Skip to main content

Sigaw ng kababaihan: LUPA, KALIKASAN, KABUHAYAN!

Image
Banner: Women demands land environment and livelihood

Pahayag ng iDEFEND sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Sa pandaigdigang araw ng kababaihan ginugunita at binibigyang pugay ng iDEFEND ang makasaysayang pakikibaka ng kababaihan tungo sa kalayaan, kapayapaan at pagkakapantay-pantay. Nasaksihan natin kung paano ang bawat tagumpay sa laban ng kababaihan ay nag aangat sa lipunan sa mas mataas na antas ng kaunlaran at kagalingan, kung kaya’t ano mang pagbabagong ating hinahangad ay magiging makahulugan lamang kung nababago nito ang kalagayan ng kababaihan.

Kasalukuyuang nahaharap ang ating bansa sa patong patong na krisis sa karapatan at kabuhayan na lalong nagpapahirap sa kababaihang araw araw na nakikipagsapalaran sa tumataas na presyo ng mga bilihin at lumiliit na espasyo para sa kritisismo.

Sa Sumalo, Bataan, kinasuhan ng pribadong kumpanya ang kababaihang magsasaka na agrarian reform beneficiaries sapagkat iginigiit nila ang pagkakaroon ng tunay na pamamahagi ng lupang sinasaka. Bahagi ito ng malawakang judicial harassment na nararanasan ng mga human rights defenders sa buong bansa. Sa pandaigdigang araw ng kababaihan, nagtungo ang mga akusado sa DOJ upang harapin ang kanilang kaso. Sa usapin sa lupa, karaniwan ang mga pribadong kumpanya at makapangyarihang pamilya ang nanggigipit sa mga magsasaka, at kasapakat ang armadong sandatahan sa paglabag sa karapatan nilang magprotesta.

Sa Manila Bay patuloy din sa pagtutol sa reklamasyon at seabed quarrying ang mga kababaihang mangingisda dahil sa panganib sa karagatan at lubos na pagkasira ng pangisdaan. Kaakibat nito ang naka ambang demolisyon ng mga kabahayan at mga komunidad nang walang tiyak na relokasyon.

Tumitindi ang pakikipagsapalaran ng mga katutubong kababaihan laban sa pang aagaw ng lupang ninuno, pagwasak sa kalikasan at mga dambuhalang dam at minahan sa ngalan ng programang pangkaunlaran ng pamahalaan na mapanira at pabor sa mga korporasyon. Pinagbibintangan sila bilang anya mga komunista-terorista, upang lusawin ang suportang nakukuha nila sa pamayanan.

Kakarampot na P100 pisong dagdag sahod na hiling ng manggagawang kababaihan sa gobyerno, wala pa ring katugunan sa kabila ng sunod sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at naka ambang jeepney phaseout. Higit pang inuuna ng gobyerno ang Maharlika Investment Fund at Charter Change na pakikinabangan lamang ng iilan habang mananatiling hikahos ang karamihan.

Sa kabilang banda nasaksihan natin ang tapang at tatag ng mga kababaihang nakabarikada sa Sibuyan Island sa Romblon at Brookes Pt., Palawan laban sa higanteng minahan sa kanilang lugar. Nagiging possible ito sa pamamagitan ng suporta ng barangay at komunidad, subalit nararapat ding suportahan natin mula sa iba’t ibang dako ng bansa.

Ang pakikibaka ng kababaihan ay hindi hiwalay sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Hindi rin ito hiwalay sa pakikibaka laban sa karahasan at panunupil ng estado. Sabay nilang hinuhubog ang lipunang may pananagutan ang may kapangyarihan, may katarungang panlipunan at may kapakanan ang bawat isa tungo sa buhay na may dignidad at matiwasay na kinabukasan.