Skip to main content

Sa Araw ng Kalayaan, gunitain ang laban ng sambayanan para sa karapatan

Image
Sulo - torch

Sa ika-125 taong anibersaryo ng tagumpay ng rebolusyong Pilipino ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan. Mahalagang alalahanin ang diwa ng kalayaang ito na nag ugat sa pangarap ng buong sambayanang lumaya sa pagka alipin at kolonyalismo. Bunsod ng hangaring mabuhay bilang nagsasariling bansa, inilunsad ang himagsikang bayan at ipinanalo ang kalayaan mula sa dayuhang mananakop, upang pamunuan at pandayin ang kinabukasang may dangal at pag asa.

Higit nating ginugunita ang kabayanihan at pagkakabuklod ng mamamayang Pilipino sa iisang layunin na siyang humugis sa kasaysayan ng laban para sa karapatang pantao. Ang mga ideya at prinsipyo ng karapatan ay likas sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino at ipinaglaban ng ating himagsikan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang pakikibaka tungo sa isang lipunang ganap na malaya sa pamamagitan ng magigiting na mga bayani ng ating panahon. Tulad noong panahon, sila’y dinadahas, ginigipit, at pinapaslang sapagkat tangan nila ang sinauna pang adhikain ng kalayaan, katarungan at pagkakapantay pantay. Sa halip na dayuhang mananakop, ang estado mismo, mga pribadong korporasyon at makapangyarihang dinastiya ang mga salarin.

Sa gayon malinaw ang tunguhin ng bawat Pilipinong nagpapatuloy ng himagsikan. Isulong natin ang laban para sa pananagutan, katarungang panlipunan, pagkakapantay pantay at pamahalaang may malasakit sa sambayanan. Sa ganitong landas magkakaroon ng kabuluhan ang Araw ng Kalayaan.