Skip to main content

Pahayag sa kabayanihan ni Andres Bonifacio

Tuesday, 29 November 2016

Sa araw na ito ay ginugunita ng iDEFEND ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio, rebolusyonaryo, ama ng himagsikang Pilipino. Higit na mahalaga at napapanahon ang pagpapatingkad ng ating paggunita sa harap ng pagtangka ng Pangulong Duterte at ng pamilyang Marcos na baguhin ang kasaysayan ng Martial Law.

Ang paglibing sa labi ng dating diktador na Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay mariing tinututulan ng iDEFEND sapagkat kailanman hindi naging bayani ang mandarambong, mamamatay tao, despotiko. Hindi bayani si Marcos. Siya ay kaaway ng mamamayang Pilipino. Siya ay pinatalsik sa pamamagitan ng EDSA people power, ang tinaguriang himagsikang bayan laban sa Martial Law. Ang paglibing ay pinahintulutan ni Pangulong Duterte bilang pagtupad sa pangako niya sa pamilyang Marcos, kapalit ng suporta nito sa kanyang kampanya sa pagkapangulo.

Malinaw ang kuntsabahan ng dalawa upang ibalik sa kapangyarihan ang mga Marcos. Ginugunita rin namin ang Samahang Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o ang Katipunan, na binuo at pinangunahan nila Bonifacio, Teodoro Plata at Ladislao Diwa, na buong tapang na humarap sa hamon ng kanilang panahon. Sa ngalan ng kanilang kagitingan at kadakilaan ipagpapatuloy ng iDEFEND ang tapat at taos pusong pakikibaka para sa tunay na kalayaan mula sa karahasan, tiraniya at pandarambong.