Nobyembre 26, labing-isang kalalakihan ang inaresto sa isang hotel sa lunsod ng Taguig. Ayon sa PDEA, naaktuhan ang mga ito na kasalukuyang gumagamit ng droga. Di umano, dalawa sa kanila’y matagal nang target ng ahensya dahil sa pagbebenta at paggamit ng droga. Binuksan ng pangyayaring ito ang maraming usapin na malaon na nating pinaglalaban.
Takot at Pananakot
Sa pagpapatuloy ng marahas na kampanya ng gubyerno laban sa droga, namamayani na ang kultura ng takot at pananakot. Hawak man ito ng PNP o PDEA, hindi tumitigil ang death toll mula sa mga operasyon. Lalo lamang lumalaki ang pangamba sa ating mga kababayan na kahit na sino ay maaring mapahamak — damputin at / o patayin.
Ang isinagawang raid sa isang hotel sa Bonifacio Global City na nagdulot ng pangamba sa komunidad, ay hudyat ng palawak na Tokhang na noo’y isinasagawa ng mga awtoridad sa mga barung-barong. Unti-unti pati mga bahayan, condominium at ngayon isang hotel na dapat ay may sariling “privacy policy” ang target. Hindi maiaalis ang pag-aalala na wala nang ligtas at/o pribadong lugar basta’t sinabing “under surveillance”.
Paglabag sa Karapatan
Ang operation na ginawa sa ngalang ng kampanya kontra sa droga, ay nagbunga ng karagdagang paglabag sa karapatang pantao at di makatwirang pag expose sa HIV status ng isa sa mga inaresto, gayong wala naman itong kinalaman sa layunin ng operasyon.
Bukod dito ay lumabag din ang PDEA sa batas. Ayon mismo sa Sec. 30 ng RA 8504 o Philippine AIDS Control and Prevention Act of 1998,
“Medical confidentiality. – All health professionals, medical instructors, workers, employers, recruitment agencies, insurance companies, data encoders, and other custodians of any medical record, file, data, or test results are directed to strictly observe confidentiality in the handling of all medical information, particularly the identity and status of persons with HIV.”
[….pagpapanatili ng tiwalang hindi ibubunyag o hindi isisiwalat ang mga medical record, datos at iba pang impormasyon lalo na ang pagkakakilanlan ng mga taong may HIV na walang pahintulot ng pasyente]
Maliwanag na nangangailangan ng ibayong pagsasanay ang mga awtoridad ukol sa pakikitungo di lamang sa usapin ng HIV kundi sa usapin rin ng LGBT. Mahalagang maipag-iba ang mga isyu ukol sa droga, at huwag itong ikawing sa mga isyung nagsasalamin sa maling pagtingin ng lipunan sa mga LGBt. Bagama’t mahalagang pag-usapan at harapin ito ng mga tagapagtaguyod ng batas sa balangkas ng karapatang pantao. Malinaw ang paglabag sa karapatang pantao nang isinawalat ng PDEA at inilabas ng media ang HIV status ng isa sa mga hinuli. Mali, mali talagang pangalanan, kilalanin na isa sa biktima ay bakla, at may HIV!
Hakbang ito paatras.
Matagal na tayong nakikibaka sa hanay ng mga LGBT at HIV advocates na tanggalin ang stigma at diskriminasyon sa mga taong may HIV, at diskriminasyon laban sa LGBT. Ngunit sa naganap nung “operation” sa BGC, napatunayan na walang habas ang abuso laban sa mga LGBT at pagpapalaganap nang maling pagtingin sa mga LGBT at karapatang pantao. Muli, mahalagang kilalanin ang karapatang pantao ng bawat isa, maging LGBT man o hindi, bilang mahalagang miyembro ng lipunan. Baguhin ang malubhang pagtingin na bumabalot sa people living with HIV/AIDs at LGBT mula sa lipunang Pilipino. Huwag dagliang maghusga, batay sa inaakala!
Ikundena ang kamaliang ito ng PDEA.
Bagamat kinikilala natin na ang droga ay bahagi ng problema ng ating lipunan, subalit huwag gawing tama, ang mga kamalian at dapat malinaw sa mga ahensya ng gobyerno kung sino ba talaga ang gusto nitong targetin. Higit sa kanino man sila ang nararapat nakakaintindi ng tamang proseso ng pag ooperasyon nang may pagsasa-alang-alang sa mga sensitibong usapin kaugnay ng HIV at mga LGBT sa kabuuan. Hindi dahil nahuli sa aktong nagdrodroga, ay tama nang isipin at ituring ang mga kalalakihang hinuli na sila ay criminal, dahil sila ay mga bakla.
Kailangang maintindihan ng mga ahensya tulad ng PDEA at PNP na hindi basta-bastang maghusga sa mga tao, bagama’t “nakalista sila sa kanilang target” ay kagya’t nilang babagsang ng kaakibat nilang maling pagtingin ang mga ito. Mahalagang maging seryosong talakayin at harapin ang usapin ng LGBT gaya ng SOGIE training at Gender Sensitivity Awareness, at HIV, upang magbigyan ng kaukulang pagunawa sa paghihiwalay ng mga isyu. Magagawa ito kung bubuksan nila ang kanilang ahensya sa isang pag-uusap sa hanay ng mga advocates ng LGBT at HIV.
Nananawagan rin tayo sa ating mga kapatid sa LGBT community at sa iba pang sektor na may kahalintulad ang paniniwala na ating pagtutulungan at pakikibaka para pawiin ang mga maling pagtingin sa ating hanay at pagtingin sa HIV.
Kagaya ng sinabi ni Ms. Pia Wurtzbach, na isang HIV at LGBT advocate, manatili tayong matatag. Mapagwawagian natin ang laban na ito.
#QCPride
#LGBTRights
#HumanRights
#LGBTRightsareHumanRights