Ginugunita ngayong taon ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan kasabay ng mas tumitinding mga usapin at atake sa mga kababaihan at kanilang mga kinabibilangang komunidad at sektor.
Sa pandaigdigang antas, tumitindi ang iba't-ibang gera. Libu-libong Kababaihan at mga bata ang patuloy na pinapatay sa Palestina sa patuloy na pananakop na ginagawa ng Israel. Patuloy ring sinusuportahanito ng mga bansang kakampi ng Israel gayundin ang mga korporasyong nagbibigay rekurso para sa mga kagamitang pandigma. Kasabay nito, patuloy na lumalala ang papabagsak na kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan dahil sa pandaigdigang antas ng pang-ekonomikong krisis.
Sa ating bansa, damang-dama ng mga kababaihan ang patuloy na hambalos ng mga usaping nagpapahirap at lumalabag sa karapatan at kagustuhan ng sektor ng kababaihan na patuloy na mag-ambag ng lakas at talino sa lipunan. Isa sa mga usapin na ito ang patuloy na diskriminasyon at mababang pagtingin sa papel at Lugar ng kababaihan sa lipunan. Nananatiling second class citizen ang mga babae at "pambahay lamang" ang nararapat na tungkuling kanilang tinatanganan. Bukod pa, marami pa rin ang mga kaso ng karahasan, pambabastos, at kawalan ng hustisya sa mga paglabag sa karapatan.
Mga kababaihan rin ang tumatangan ng malaking pasanin ng pag-iisip sa mga suliranin ng mga komunidad. Isa rito ang patuloy na kawalan ng mga programa sa mga komunidad ng pagtitiyak ng kalusugan, o kaya naman usapin ng pagtitiyak na ligtas ang mga komunidad laluna ang mga bata at kabataan. Kasabay ito ng pagtitiyak na nakakaambag Sila sa pagtitiyak ng pang-ekonomikong kapasidad ng kanilang sari-sariling pamilya na pinakipot ng patuloy na kawalan ng seguridad sa trabaho at sahod ng mga manggagawang ni Hindi kayang ipangbuhay ng mismong naghihirap na kitain ito.
Malaki rin ang epekto ng pampulitikang sitwasyon sa mga kababaihan. Mas binibigyang-pansin ng pamahalaan ang mga bagay na magsisilbi sa kanilang pansariling at pampulitikang interes sa halip na tugunan ang mga lehitimong isyu ng mga mamamayan. Maraming komunidad ang apektado ng patuloy na pagkasira ng kalikasan. Mula sa patuloy na pagkasira ng mga lupain at kabundukan dahil sa mga malakihang pagmimina Hanggang sa mga quarrying sa ating mga dalampasigan, dagdag pa ang pagpapalit gamit ng ating karagatan na tinatabunan at ginagawang lupain para sa turismo at negosyo. Marami nang mga komunidad sa mga baybayin ang pinalayas, at marami nang mga mangingisda ang nawalan ng hanapbuhay. Kaya't apektado rin ang komunidad at kabuhayan ng mga kababaihang bahagi ng sektor ng pangisdaan. Nariyan rin ang patuloy na pag-agaw sa mga lupaing ninuno na naglalagay sa panganib sa buhay at kabuhayan ng mga komunidad ng mga katutubong mamamayan. Ang pagpapalit-gamit ng ating mga lupaing agrikultural na pinagtatayuan ng mga negosyo at pabahay na Hindi naman inilalaan para sa mga mamamayang mas lalong nangangailangan nito. Habang ang mga maralitang mamamayan ay hindi pa rin bahagi ng mga programang pabahay ng gubyerno. Nariyan pa rin ang kawalan ng oportunidad ng mga kabataan na magkaroon ng dekalidad na edukasyon, lumalaki ang bilang ng mga bata at kabataang hindi nakatatapos ng pag-aaral upang makatulong sa pagtitiyak ng ekonomikong kakayahan ng kanilang pamilya. Hindi rin dapat kalimutan na hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang laban ng maraming mga kaanak ng mga naging biktima ng nagpapatuloy na gera kontra droga. Maraming mga nanay ang patuloy pa ring nahihirapan na matiyak ang hustisya para sa kanilang mga anak na pinatay, ang mga pamilyang nawalan ng mga breadwinners dahil sa marahas at madugong polisiya na ito ng pamahalaan. Hanggang ngayon ay hindi nakikipagtulungan ang gubyerno sa proseso ng ICC, kaya't malabo pa rin ang pakikibaka ng mga pamilya para sa katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ilan lamang ito sa mga usapin ng mga mamamayan na nangangailangan ng agarang pagtugon mula sa gubyerno. Ngunit, hindi ito ang prayoridad ng ating pamahalaan.
Sa halip, mas niraratsada ngayon ng mga nasa poder ang pagpapalit ng Konstitusyon o Charter Change (ChaCha). Laluna ang kagustuhang baguhin ang probisyong ekonomiko na magtitiyak ng kanilang interes sa negosyo. Sa kanilang pagtutulak na ibukas ng tuluyan ang ating bansa sa dayuhang negosyo, lalong mamamatay ang kakayahan ng ating mga sektor at mga lokal na maliliit na negosyanteng makipagsabayan sa mga dambuhalang kapitalista at korporasyon. Ilalagay rin nito sa lalong kapahamakan ang mga komunidad dahil sa pagbibigay laya sa mga dayuhang na mag-ari ng mga lupain sa ating bansa ng isandaang porsyento, sa halip na ilaan ito para sa ating sariling mamamayan. Isa rin sa malaking nais tiyakin ng ChaCha ay ang matiyak na mapapahaba ang kanilang paghawak sa pwesto at kapangyarihan, pati na ang katiyakan na walang magiging pananagutan sa kanilang mga paglabag sa mga karapatan ng mamamayan.
Ang hamon sa ating mga kababaihan at sa buong mamamayan, manindigan at huwag payagan ang mga hakbang na ito.
Habang ginugunita nating ang Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan, patuloy nating itindig at ilaban ang kagalingan ng ating sektor gayundin ang interes ng buong sambayanan. Patuloy na isanib ang ating lakas at talino sa pagpapalaya ng mamamayan at pagwawagi ng ating mga karapatan pantao. Ang ating kasaysayan ng paglaban at pagwawagi ay naglalaman ng masigla at mahigpit na pag-aambag ng mga kababaihan.
Sulong babae! Lumaban, Magwagi.