
Sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, nakikiisa ang iDEFEND sa lahat ng kababaihang lumalaban para sa dignidad, katarungan, at pagkakapantay-pantay. Sa mga pagawaan man, tahanan, at komunidad patuloy na nararanasan ng kababaihan ang diskriminasyon, karahasan, at pag-apak sa kanilang mga karapatan—ngunit sila rin ang nangunguna sa laban para sa pantay at makatarungang lipunan.
Diskriminasyon sa Paggawa
Hanggang ngayon, humaharap pa rin ang kababaihan sa hindi pantay na oportunidad sa trabaho, mababang sahod, at hindi ligtas na kondisyon sa paggawa. Marami sa kanila, lalo na sa impormal na sektor at gawaing pantahanan, ang walang sapat na proteksyon sa ilalim ng batas. Ang pagsasamantala sa mga babaeng manggagawa—mula pabrika hanggang sa mga bahay—ay nangangailangan ng agarang pagbabago sa mga patakaran at mas mahigpit na pagbibigay proteksyon sa kanilang karapatan sa disenteng trabaho.
Sekswal na Pang-aabuso
Patuloy ang paglaganap ng karahasan laban sa kababaihan, kabilang ang sekswal na pang-aabuso, na pinalalala ng patriyarkal na kultura at kawalang hustisya. Marami ang napipilitang manahimik dahil sa kakulangan ng suporta mula sa lipunan at estado. Nangangailangan ng mas matibay na ligal na proteksyon, hustisyang nakasentro sa mga biktima, at pagbabago sa kultura upang wakasan ang karahasang sekswal.
Kawalang Partisipasyon
Sa kabila ng kanilang mahalagang papel sa komunidad, madalas na hindi nabibigyan ng espasyo ang kababaihan sa pamamahala at paggawa ng mahahalagang desisyon. Ang patuloy na paglalagay sa kanila sa gilid—lalo na sa hanay ng mga mahihirap at mga kababaihan mula sa mga komunidad ng mga katutubo, Moro at sa kalakhan ng kanayunan—ay kawalan din ng inklusibo at epektibong pamamahala. Kailangang tiyakin ang makabuluhang partisipasyon ng kababaihan sa lahat ng antas ng pamamahala.
Kakulangan sa Serbisyong Pangkalusugan
Maraming kababaihan, lalo na sa mahihirap na komunidad, ang hindi man lang nakakatamasa ng pangunahing serbisyo tulad ng kalusugan. Sa maraming lugar, limitado o ipinagkakait ang kanilang karapatan sa reproduktibong kalusugan, na nagreresulta sa hindi planadong pagbubuntis, naglalagay sa peligro sa mag-ina, o kamatayang maaari sanang naiwasan. Wala din silang natatanggap na serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan lalo na sa mga kababaihang nakaranas ng pang-aabuso. Dapat bigyan itong priyoridad, at hindi ipagwalang-bahala.
Kultura ng Karahasan at Pang-aabuso
Patuloy ang pangmamaliit sa kababaihan sa kultura, politika, at institusyon, sa pang-araw-araw na karanasan na dulot ng sistematikong diskriminasyon. Ang misoginiya sa media, social media, at maging sa mga patakaran ng estado ang siyang pumipigil sa mga kababaihan sa pag-unlad at produktibo. Ang tunay na hustisyang pangkasarian ay nangangailangan ng aktibong paglaban sa mga mapanirang pananaw at sistemang ito.
Kababaihan sa Unahan ng mga Pakikibakang Panlipunan at Pangkalikasan
Sa harap ng pagsasamantala at pang-aapi, ang kababaihan ang pangunahing tagapagtanggol ng lupa, tubig, at karapatang pantao at pangkalikasan laban sa ganid ng korporasyon at pagbabalewala ng estado. Mula sa mga katutubong nagtatanggol ng kanilang lupain hanggang sa mga kababaihang lider sa mga komunidad, paggawa, akademya, at mga opisina, pinangungunahan ng mga kababaihan ang laban para pangangalaga at hustisya. Dapat lamang nating kilalanin, protektahan, at suportahan ang papel ng kababaihan sa kilusang pagbabago.
Hamon ng Pangangalaga sa Sarili at Kolektibong Pag-aaruga
Sa kabila ng lahat, pasan din ng kababaihan ang mabigat na responsibilidad ng pangangalaga—sa pamilya, sa komunidad, at maging sa mga kilusan—nang walang sapat na suportang natatanggap. Ang kababaihan ay inaasahan ng magbigay ng pangngalaga sa iba habang ipinagkakait sa kanila ang pahinga. Ang pangangalaga sa sarili ay hindi pagiging makasarili kundi isang mahalagang susi upang ipagpatuloy ang pagkilos at pakikibaka.
Panawagan sa Pagkilos
Sa araw na ito, patuloy na naninindigan ang iDEFEND upang wakasan ang sistemang nagtatali sa mga kababaihan at nag-aalis sa kanilang dignidad at karapatan. Ipaglaban natin ang disenteng paggawa, wakasan ang karahasan, at para sa pantay na partisipasyon sa lipunan. Igiit natin na matanggap ng lahat ang mga batayang serbisyo partikular na ang kalusugan at ipagdiwang natin ang liderato ng kababaihan sa mga laban ng ating panahon.
Ang laban para sa karapatan ng kababaihan ay laban ng lahat. Hindi sapat ang magdiwang—ang kailangan ay ang konkretong pagkilos upang pandayin ang lipunang makatarungan, pantay, at may malasakit.
#WakasanAngDiskriminasyon
#BabaeAkoMayKarapatan
#BabaeTagasulongNgPagbabago
#IWD2025
#IWD