Skip to main content

Pagpupugay at pasasalamat sa buhay na inialay sa pagtatanggol ng karapatang pantao

Image
Chito Gascon

Nagluluksa ang iDEFEND kabilang ang komunidad ng mga human rights defenders sa biglang pagyao ng Chairperson ng Commission on Human Rights na si José Luis Martín C. Gascón. Kilala bilang Chair Chito, saksi ang iDEFEND sa kanyang dakilang buhay at paninindigan para sa kalayaan, demokrasya at karapatang pantao. Nakakadalo siya sa ating general assembly upang makipagtalakayan sa mga usapin ng ating bansa at himukin ang ibayong pagkilos, pagharap sa mga pagsubok at pagkakaisa.

Nagsilbing inspirasyon si Chair Chito sa mga henerasyon ng mga human rights defenders sa gitna ng delubyong hatid ng kasalukuyang krisis sa karapatang pantao. Ibinukas nya at inayos ang gusali ng CHR upang magsilbing venue ng mga pagtitipun tipon ng mga CSOs. Pinangunahan nya ang maraming programa at proyekto upang patingkarin ang kalayaan at karapatang pantao, kabilang na ang Freedom Memorial Museum. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, itinuring ang Commission on Human Rights na isa sa pinakamahusay na national human rights institution sa buong rehiyon.

Hindi namin malilimot ang iyong ambag sa kilusan para sa demokrasya at karapatang pantao Chair Chito. Mamayapa ka sa pananalig na itataguyod namin ang pagtatanggol nito hanggang sa katapusan rin ng aming buhay. Lubos kaming nakikidalamhati sa iyong pamilya at sa Commission on Human Rights. At sa ngalan ng lahat ng bayani at martyr para sa kalayaan, katarungan at pagkakapantay pantay, ipapanalo namin ang karapatang pantao!