Sa tuwing ika-10 ng Disyembre ay ginugunita natin ang pandaigdigang araw ng karapatang pantao. Ito rin ang pang huling taon ng paggunita sa ilalim ng awtokratikong pamumuno ni Pangulong Duterte. Simula umpisa ng termino ni Duterte, hanggang sa yugtong ito, ay hindi tayo bumitaw sa pagtindig at paglaban para sa dignidad at karapatan. Ating tinuligsa ang lahat ng polisya at gawain ng gobyerno laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Higit nating sinikap na depensahan ang malayang espasyo upang magpahayag, magprotesta at mag organisa.
“Karapatan, kabuhayan, kalayaan” – ito ang malalaking biktima ng rehimeng Duterte. Bilang isang kilusan ng karapatang pantao, maagang nanindigan ang iDEFEND laban sa paglapastangan ng karapatan ng mga biktima ng war on drugs at ng kanilang mga pamilya. Nang tamaan tayo ng COVID 19 na pandemya, at libo-libo ang mga nagkakasakit, at marami ang mga namatay dahil na rin sa makupad, magulo at militaristang tugon ng pamahalaan, hindi pa rin nahinto ang patayan sa ilalim ng pamahalaang Duterte. Tuloy ang pagpatay sa tokhang, pati na rin ang pagre ‘red tag’ at pagpatay ng mga aktibista at mga community leaders. Habang lumalaki ang bilang ng mga nawalan ng trabaho, at tumitindi ang kagutuman, patuloy pa rin ang programang pagkamkam ng lupa para ibukas sa eksploitasyon ng mga dambuhalang minahan, at malawakang plantasyon.
Matinding pasakit ang ating dinaranas sa ilalim ng rehimeng Duterte. At ngayon, ang pagsubok na manumbalik ang mga Marcos sa Malacañang ay tunay na magpapalala ng ating sitwasyon. Di dapat makalimutan na ang pamilyang Marcos ang unang nanalanta at umatake sa ating karapatan, kabuhayan at kalayaan. Dapat ring alalahaning pinatalsik sila ng mamamayang Pilipino mula sa kapangyarihan. Kung kaya’t itong darating na eleksyon, ang panawagan ng IDEFEND - todo-bigay tayo sa pagbigo ng tambalang pwersa ng lagim- Marcos-Duterte.”
*Photo by Philrights