Skip to main content

PAGBABAGO NI DUTERTE: KARAHASAN, KAHIRAPAN, KATRAYDORAN SA BAYAN, PANAGUTIN!

Sunday, 21 July 2019

Tatlong taong nagdaan, sanlaksang kasalanan ng gobyernong Duterte sa taumbayan.

Inilunsad ang giyera kontra droga noong Hulyo 2016 bilang pangunahing programa ng gobyernong Duterte, alinsunod sa pangako niyang sugpuin ang illegal na kalakalan sa droga. Ang madugong kampanya ang pumaslang sa higit 27,000 Pilipino kabilang na ang higit 100 kabataan at mga sanggol, na tinagurian niyang “collateral damage”. Pinatunayan ng isang survey na karamihan ng mga Pilipino ay ayaw sa nagaganap na patayan bagama’t sang- ayon silang giyerahin ang illegal na kalakalan ng droga. Nagsunud sunod naman ang panunupil sa mamamayang nagprotesta at kumondena sa malawakang extrajudicial killing, gayundin laban sa malayang pamamahayag. Umalagwa ang pamamaslang sa mga human rights defenders, mga kritiko at oposisyon.  Iniulat ni Representative Edcel Lagman na 134 tagapagtanggol ng karapatang pantao ang pinaslang mula nang maupo si Duterte sa puwesto. Samantala patuloy ang pamamayagpag ng malalaking drug lords at pagpasok ng droga sa bansa. At si Duterte na mismo ang umaming lumalaki pa ang bilang ng nalululong dito. Dahil sa pananalasa ni Duterte sa karapatang pantao nasadlak sa pagsisiyasat ng International Criminal Court at United Nations Human Rights Council ang Pilipinas.

Ipinagmalaki ng gobyerno ang programang Build Build Build na popondohan ng mabigat na pagbubuwis ayon sa TRAIN law at utang sa dayuhang bansa kabilang na ang Tsina. Ito ang nagtutulak sa mga land reclamation, malalaking korporasyon ng minahan at mga dambuhalang dam projects sa lupaing ninuno, kapalit ng seguridad sa kabuhayan, pagkain, at kalikasan. Dumausdos ang kabuhayan ng mamamayan dulot ng patuloy na labor contractualization, deregulasyon, pribatasyon at liberalisasyon ng mga mahahalagang goods at services. Epidemya na ang HIV at dengue, at ipasasara ang mahigit 50 paaralan ng mga lumad. Iniulat ng International Labor Organization (ILO) na ang Pilipinas ang isa sa pinakamasamang bansa sa buong mundo, para sa manggagawa. 45% o 11.1 milyong Pilipino na ang may pagtinging sila ay mahirap.

Lumalawak ang pagtutol ng mamamayan ngunit susupilin ito ng magkakasunod na patakarang naglalayong ipitin ang mga kalayaan at karapatan sa pamamahayag, pag oorganisa at pagkilos.  Matapos mamayagpag ang mga kandidato ng administrasyon sa katatapos lamang na halalan, inaasahan ang mabilis na pagpasa ng mga batas tulad ng parusang bitay, ang pagbababa ng edad ng criminal responsibility, ang pag amyenda sa Human Security Act, at Charter change. Naka amba pa rin ang unli-martial law sa Mindanaw at State of National Emergency due to Lawless Violence bilang pananggalang sa tumitinding protesta laban sa karahasan at kahirapan.

Matindi ang pagtarget ng gobyerno sa mga human rights defenders na matapang na tumitindig para sa interes ng mamamayang Pilipino.

Lumalala ang pangamba ng mamamayan sa usapin ng West Philippine Sea, kung saan sinakop na ng Tsina ang malaking bahagi ng karagatan at mga islang pag aari ng Pilipinas, at ang pambu bully nito sa loob mismo ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Tatlong taon nang nakikipagsapalaran ang mga mangingisdang Pilipino sa karagatang ito upang may maipakain sa kanilang pamilya. Lubhang na alarma ang publiko sa pagsagasa ng barkong intsik sa bangkang Pilipino, pagkatapos ay pumanig pa ang pangulong Duterte sa mga Tsino. Sa kabila ng matinding batikos ay hindi matinag ang pagtatanggol nito sa dayuhang salarin.

Ngunit sa halip na kasuhan ang pangulong traydor sa bayan, inuusig ng pamahalaan ang mga oposisyon, mga mambabatas, mga taong simbahan, mga aktibista. Halos wasak na ang saligang batas at soberenya ng bansang Pilipinas sa loob lamang ng tatlong taon ni Duterte. Marapat na taumbayan na mismo ang magtanggol sa kinabukasan ng ating lipunan.

Biguin ang diktadurang tunguhin ni Duterte at ang imperyalistang disenyo ng dayuhang kasabwat nito. Panagutin ang gobyernong nanalasa sa karapatan, kapayapaan at kagalingan ng sambayanang Pilipino.