Sa ika-6 na taong pagkakalibing ni Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani ating iginigiit muli ang pagkundena sa pagbaluktot ng ating kasaysayan at ang paglaganap ng kasinungalingang bayani ang yumaong diktador. Nananatiling kriminal si Marcos dahil ng karumal dumal na mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng kanyang batas militar na magpahanggang ngayon ay walang napaparusahan.
Ang kawalang pananagutan para sa mga malubhang paglabag sa karapatan ng libu libong Pilipino ay isang malagim na pamana ni Marcos sa ating henerasyon kung saan pinagdudusahan pa rin natin ang lubos na kahinaan ng ating justice system dahil dito. Ang paulit ulit na pag abuso ng pulis at military sa kapangyarihan, ang laganap na machismo sa security sector, kultura ng karahasan at katiwalian sa gobyerno ay bunsod rin ng pamanang ito.
Malaking papel ang ginampanan ng dating pangulong Duterte sa pagpapalibing ni Marcos sa LNMB bilang kasapakat sa pagdeodorize ng kasaysayan ng pamilyang Marcos. Dito natunghayan ang alyansang Marcos-Duterte na magpapatuloy ng marahas na paggugubyerno sa ilalim ng giyera kontra droga at giyera kontra terrorismo ngayon ng administrasyong Marcos Jr.
Sa ngalan ng libu libong biktima ng batas militar na hanggang ngayon ay sumisigaw ng katarungan at sa ngalan ng mga susunod na henerasyon na naghahangad ng matiwasay at masaganang kinabukasan, ipagpapatuloy natin ang paghamon sa pagbabaluktot ng kasaysayan, ipagpapatuloy natin ang paggiit sa katotohanan, ipagpapatuloy natin ang laban para sa karapatan ng mamamayan.
Marcos HINDI Bayani! #NeverAgain #NeverForget