Skip to main content

Laban ng lahat ang laban para sa Kalayaan; Laban ng lahat ang Karapatang Pantao

Pahayag ng iDEFEND at PAHRA sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act 2020


Sistematiko at walang pa ring tigil na pagkitil ng mga buhay upang panatilihin ang takot ng mamamayan; pagwasak sa kabuhayan ng manggagawa, upang tiklop tuhod silang magpapa samantala sa kapitalistang ganid sa ganansya; ganap na pagwasak sa kalikasan at lupang ninuno upang patirin ang buhay ng katutubo; pagkamkam ng yaman ng bansa para sa iilang crony at kaibigan; ang pagpapalayas ng maralitang Pilipino sa kanilang tirahan upang buo buong pulo ang mapapasakamay ng Tsina; Ang pagkamal ng gahiganteng utang at salapi para sa pansariling interes at upang masiguradong nasa pwesto ang mga kamag anak at kaibigan, sa susunod na halalan; ang pagyurak sa natitirang rule of law, ang walang pagpapanagot o impunity; ang pagbabasura sa Konstitusyon, ang pag giba sa mga demokratikong institusyon, ang tuluy tuloy na militarismo at karahasan;

Upang wala nang umimik sa pagpapayaman ng iilan; wala nang lalaban sa katiwalian; Habang hinahalay ang katotohanan, binubusabos ang mamamayan- SILA ANG NAKIKINABANG SA GANITONG KASAMAAN.

Ito ang proyekto ng diktadurang Duterte. Iyan ang duduluhin ng atin bansa kaya sunud sunod ang pagsasabatas ng katulad ng Anti-Terrorism Law; kaya itinutulak ang Charter change. Hindi natitinag ang prioridad ni Duterte kahit pumutok man ang ilang bulkan, lumindol man ang kalupaan, at kahit lumitaw ang ilang COVID19, at anupamang pandemya.

Ang unang target ng proyektong ito ay ang pagpapatahimik sa boses ng kritiko, ang pambubusal sa malayang media at malayang pagpapahayag, ang paglipol sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Napanood na natin ang pelikulang ito. Nangyari na ito sa kasaysayan ng ating bayan.

Mula sa kasaysayang iyon alam nating iisa lamang ang titibag sa proyektong ito- ang nagkakaisang lakas ng sambayanang Pilipino na tahasang lumalaban sa Diktadurya, at lumalaban para sa demokrasya, sa kalayaan, at sa karapatang pantao.

Maaaring nasasadlak na tayo sa katuparan ng diktadurang Duterte pero hindi tayo umaatras sa ating paninindigan at lalong hindi tayo hihinto sa paglaban.

Haharapin natin ang tiranong Duterte gaya ng pagharap natin sa mga naunang pangulong katulad niya. Sama sama nating papandayin ang kinabukasang hindi na katatakutan ng ating mga anak, hindi na mamemeligro ang kanilang kabuhayan hindi na muling tatapakan ang kanilang karapatan, at mamumuhay na may dignidad at Kalayaan.