Skip to main content

Korap na Gubyerno, Dusa sa Pilipino SINGILIN! PANAGUTIN!

Image
Kurap na gobyerno

Limampu’t tatlong taon makalipas ang paghudyat ng isa sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan ng Pilipinas, patuloy tayong minumulto’t binabalot ng pamana ng Batas Militar at legasiya ng Rehimeng Marcos Sr. Hanggang ngayon, lubog ang bayan sa korapsyon, katiwalian, at kawalang pananagutan.

Sa kabila ng pangako ng kasalukuyang administrasyon noong panahon ng kampanya, hindi nasilayan ng mamamayang Pilipino ang ginhawang pinagmayabang ng UNITEAM. Malayong-malayo sa katotohanan ang pangakong bente pesos na bigas, hindi totoong mahihirap ang prayoridad sa programang pabahay, patuloy na tumataas na mga bilihin habang patuloy na pinagkakasya ng maraming manggagawa ang minimum wage, lalong lumalaki ang utang ng gubyerno, at nitong huli, unti-unting nang nasasapubliko ang matinding korapsyon at paglustay sa buwis ng mamamayan at isa rito ang mga flood control projects na sabwatan ng gubyerno at mga kontraktor.

Ang kasaysayan ng batas militar ay kasaysayan ng kawalang pananagutan at nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan.

Bagamat tuloy pa rin ang ginagawang pagdinig ng mga mambabatas sa maraming maanomalyang flood control projects, hindi nito mapalilitaw ang puno’t-dulo ng usapin. Tanging inilalagay sa spotlight ang mga kontraktor habang kanya-kanyang pag-deny ang mga lumilitaw na pangalan ng mga pulitiko. Patuloy ring nagagamit ng mga naglalabanang paksyon sa pulitika ang usaping ito upang idiin ang kanilang mga kalaban sa kapangyarihan habang nakatuntong sa lehitimong usapin at galit ng mamamayan.

Ang korapsyon at katiwalian ay lumang tugtugin na, noon pa ma’y usapin na ito sa ating gubyerno. Muli tayong binibigyan ng pagkakataon na magsalita, iguhit ang ating mga panawagan, at likhain ang landas upang tuluyang wakasan ang kultura ng katiwalian sa serbisyo.

Ang Ating mga Panawagan

  1. Transparent at Totoong Independent na Imbestigasyon. Kasabay nito ipakita ng mga mambabatas at iba pang pulitiko ang kanilang mga SALN, isapubliko ang mga report kaugnay sa mga proyekto at programa ng kani-kanilang mga opisina.
  2. Alisin ang mga programa at proyekto ng mga mambabatas gaya ng ayuda na isang uri ng pork barrel. Ang ultimong mandato ng Kongreso at Senado ay magpasa ng batas at hindi magpatupad ng mga programa at proyekto gaya ng flood control at mga ayuda. Ilaan ito sa mga relevant na ahensya, institusyon, at istruktura ng pamahalaan na may mandato sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan sa batayang serbisyo. At tiyaking may transparency at tunay na check-and-balance ang mga ahensya ng pamahalaan.
  3. Tiyaking People-Centric ang mga programa at proyekto ng gubyerno. Mahalagang umiral ang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) sa mga komunidad mula sa pag-disenyo hanggang sa implementasyon ng mga proyekto. Sila ang pangunahing stakeholders ng mga programa at proyekto.
  4. Tiyakin ang pananagutan ng mga pulitikong mapapatunayang nagkasala ng korapsyon at katiwalian. Ayon sa RA 3019 o Anti-Graft and Corruption Act, ang parusa ay pagkakakulong, pagkuha ng mga ill-gotten wealth, at perpetual disqualification sa paghawak ng posisyon sa gubyerno.
  5. Pagpasa ng Anti-Political Dynasty Law. Ang pulitikal na patronahe ang isa sa nagbibigay-daan upang magpatuloy ang korapsyon at katiwalian sa pamahalaan. Nararapat lamang na magkaroon ng tiyak na polisiya upang ihinto ang dinastiya at pami-pamilyang paghahari sa gubyerno.

Serbisyo Publiko HINDI Negosyo! 
Korapsyon ay Labanan, Tiyakin ang Pananagutan! 
Dinastiyang Pulitikal Wakasan! 

In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) 

Setyembre 21, 2025 

#SerbisyoPublikoWagGawingNegosyo 

#EndCorruptionNow 

#KorapAyPanagutin 

#FloodControlProjects