Skip to main content

Itatag ang gobyernong makatao: Leksyon ng EDSA-People Power

Friday, 24 February 2017

Ang leksyon ng kauna-unahang People Power sa EDSA ay ang katotohanang may kapangyarihan ang mamamayan na direktang iwaksi at patalsikin ang naghaharing pamahalaan kapag ito’y hindi na kumakalinga sa kagalingan ng bansa.

Sa pagtatapos ng rehimeng Marcos noong 1986, mayroong higit 100,000 direktang biktima ng paglabag sa karapatang pantao, nasa 60% ang incidente ng kahirapan, bumagsak ang pambansang ekonomiya sa pinakamababang antas mula noong pangalawang gyerang pandaigdig, at nawasak ang kalikasan sa pagpasok ng mga malawakan at walang habas na pagtotroso at minahan. Pamana ng diktador Marcos ang malawakang katiwalian sa gobyerno, talamak na nepotismo, kapulisan na astang ‘criminal mafia’ at berdugong militar at mga vigilante.

Malayang naisagawa ni Marcos ang paglapastangan sa ekonomiya sapagkat kontrolado niya ang lahat ng kapangyarihang politikal magmula sa ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Isinagawa niya ito sa pamamagitan ng Martial Law.

Upang maging katanggap-tanggap ito sa mamamayang Pilipino, ipinantakot ni Marcos ang bantang komunismo na lumalaganap sa buong mundo. Itinayo ng diktador ang Kilusang Bagong Lipunan upang ipakalat ang huwad na pangakong demokrasya at kaunlaran. Ang naging kapalit nito ay dalawang dekada ng kalupitan at pandarahas sa anumang boses ng pagtutol.

Sa sandaling namulat ang sambayanang Pilipino sa realidad na hindi na karapat-dapat ang pamumunong diktadurya, na wala itong idinulot kundi kagutuman at sakuna sa kabuhayan, nagsimula na ang hakbang sa himagsikang nakaugat sa ating kasaysayan.

Tangan ang aral ng People Power, malinaw ngayon ang tungkulin ng bawat Pilipino sa harap ng naghaharing sistemang pinangungunahan ni Rodrigo Roa Duterte. Pawang magkapatid ang mga patakaran ng diktadura noon at ng kasalukuyang gobyerno— ‘salvage’ noon, EJK ngayon; laban sa ‘komunista’ noon, laban sa drugs ngayon; ‘Alsa Masa’ noon, ‘riding in tandem’ ngayon; Philippine Constabulary noon, PNP ngayon (na pinapanukalang gawing Constabulary ulit); Bagong Lipunan noon, Kilusang Pagbabago ngayon; Martial Law noon…banta ng martial law pa rin ngayon.

Madaling maaalala na lahat ito’y patungo muli sa madilim na panahon ng pandarambong at pamiminsala sa bayang hindi makaahon-ahon sa kahirapan.

Subalit may karagdagang leksyon pagkatapos ng EDSA: ang leksyong hindi na magtiwala sa elitistang pamumuno na kumakatawan pa rin sa dating balangkas ng neo-liberal na patakarang panlipunan at muling naglugmok sa bansa sa pighati. Wala sa iisang pinuno o partido ang kaligtasan ng ating lipunan. Ito’y nasa ating mga kamay at nangangailangan ng higit na mataas na pagmulat, pag-oorganisa at pagkilos.

Tungkulin ng bawat Pilipino ang panghawakan ang kapangyarihang pulitikal, bantayan ang sistemang elitista at atrasado, at pandayin ang sariling kaunlaran na hindi nakasalalay lamang sa mga halal na opisyal o pangulo, kundi tuloy-tuloy na makialam sa bawat antas ng pamamahala, tungo sa pagsasaad ng tunay na boses ng mamamayan at paglatag ng makataong kaayusan sa pamamagitan ng isang pamamahalang nakabatay sa KARAPATANG PANTAO PARA SA LAHAT!

Dito tiyak na uusbong ang seguridad at ligtas na lipunang hindi mangangailangan ng kamay na bakal sa pagtupad ng ‘peace and order’ at tunay na kaunlaran.

Pebrero 25, 2017