Skip to main content

Isulong at isakatuparan ang SONA ng mamamayan

Pahayag sa ikalimang SONA ni Pangulong Duterte

Ika-27 Hulyo 2020

Nakatakdang iulat ni Presidente Duterte ang kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) pagkatapos ng mapaminsalang taon ng kanyang pamumuno, na tinampukan ng samu’t saring kontrobersyang dayuhan at lokal, na naglantad ng tutoong pagka inutil at pagka gahaman ng kanyang pamahalaan.

Matingkad sa ala ala ng mga Pilipino ang pagkakabangga at paglubog ng bangka ng mangingisdang Pilipino sa may Recto bank, sa kamay ng dayuhang barko mula sa China, na ipinagkibit-balikat lamang ng Pangulo ng bansa; nakakabagabag ang paulit ulit na pagsubok ng Kongreso na baguhin ang Konstitusyon ng Pilipinas, gayung hindi ito prayoridad ng mamamayang pumapasan sa kahirapang dulot ng TRAIN LAW, Rice Tarrification at ENDO. Nariyan ang ilang buwan na wala tayong tubig, at ang napipintong krisis sa kuryente. Samantala namamayagpag ang mga pasugalang POGO, ang pagkamkam ng ating yamang dagat sa West Philippine Sea, ang patuloy na pagkawasak ng ating kalikasan at lupang ninuno, dulot ng mga dambuhalang minahan at coal fired power plants.

Kina inisan ng maraming Pilipino ang kahihiyang inabot natin sa mga kapalpakan ng Southeast Asian Games, sa kabila ng laki ng ginastos sa mga kagamitan at materyales lalo na yung P50 milyon na kaldero. Matapos ang ilang dekada, tumambad muli sa atin ang polio at dengue outbreak na una nang kinabahala ng World Health Organization (WHO). Kung noon ay wala pa tayong malay sa matinding problema sa Department of Health, ngayon sa ilalim ng pandemyang COVID19, natuklasan nating  ito mismo ang magsasalang sa atin sa tiyak na kapahamakan.

Pagkatapos ng sunud sunod na sakuna ng lindol, bagyo, pagputok ng bulkan, kung saan saksi nanaman tayo sa kahinaan ng kanyang pamumuno, sinabi ni Duterte, hindi na niya mapagkatiwalaan ang sarili niyang burukrasya dahil sa malawakang katiwalian sa gobyerno.

Nananatiling wasak ang Marawi at higit 50,000 bakwit ang hindi pa rin makabalik sa kanilang mga lupain. 13.4 million o 54 porsiyento ng pamilyang Pilipino ay nagsabing naghihirap sila.

Inilabas ng UN High Commissioner for Human Rights ang ulat nito sa Pilipinas na nagsasabing talamak ang paglabag sa karapatang pantao at malala ang kawalan ng pananagutan ng mga nasa kapangyarihan, lalo na sa ilalim ng giyera laban sa droga. Hiniling sa ulat ang agarang pagtigil sa Oplan Double Barrel at ang pagkakaroon ng imbestigasyon at pagpapanagot sa mga kaso ng EJK.

Ngayong taon hinarap ng mamamayang Pilipino ang pinakamapanganib na kalamidad pangkalusugan sa kanyang kasaysayan. Labis itong ikinagulat ng bayang hindi handa sa ganitong klaseng sakuna. Kinailangan itong harapin ng ating sistemang pangkalusugan na matagal nang pabagsak at lugmok sa katiwalian. Dagliang kinondena ng iDEFEND at PAHRA ang marahas at militaristang asta ng mga autoridad imbes na paghusayin ang solusyong medical, sa pagbulusok ng pandemya. Sa ngayon umabot na sa higit 80,000 ang kaso ng COVID19 at walang indikasyong ito ay pababa o pahinto. 

Subalit sa gitna ng krisis sa kalusugan at kabuhayan dulot ng atrasado at inutil na tugon ng gobyerno, sadyang inuna pa ng pamahalaan ang pagsakdal kay Maria Ressa at Reynaldo Santos Jr. ng RAPPLER, ang pagsasara sa ABSCBN, ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law at pagtutulak ng Charter Change. Walang patid ang red-tagging at terrorist-tagging ng militar, pulis at mga lokal na opisyal sa mga human rights defenders. Nagpapatuloy ang proyektong awtoritaryanismo ni Duterte, at wala itong pakundangan sa kalagayan ng nakararaming Pilipinong naka asa sa ayuda at tulong mula sa pamahalaan. Sa kabila ng P 9.59 trilyones na pautang sa gobyerno para labanan ang COVID19, ang nilabanan nito ay ang mamamayang Pilipino.

Sa gayon walang nalalabing paraan kundi ang panghawakan na mismo ng mamamayan ang kanyang landas at ipihit ito tungo sa pagtatanggol ng kanyang karapatan at kalayaan. Tayo ang solusyon sa krisis ng ating lipunan at tayo ang tutugon. Sama sama nating isusulong ang pagsasakatuparan ng ating nailalayon. Iyan ang tunay na State of the Nation.