Skip to main content

Ilaban ang karapatan para sa tagumpay ng mamamayan

Image
Photo of old man with lantern

Pahayag ng iDefend sa #UDHR75

Sa ika-75 anibersaryo ng Deklarasyon ng Karapatang Pantao, ginugunita sa buong mundo ang adhikain ng Dignidad, Kalayaan at Hustisya para sa lahat. Sinasariwa natin ang pagkakaroon ng isang deklarasyong ibinunga ng pinakamadilim na yugto ng kasaysayan, ang pangalawang pandaigdigang giyera. Isang deklarasyong nakatuon sa kinabukasan na wala nang nagugutom, inaapi, dinadahas, at ninanakawan ng pag asa.

Mula nang pinagtibay ang Deklarasyon ng Karapatang Pantao maraming karapatan ang kinilala at inilaban ng mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at patuloy na umiinog hanggang ngayon. Subalit kasabay ng pagkilala sa karapatang pantao ay pag-inog din ng karahasan, panunupil, di-makataong pamahalaan at lubhang mapanirang sistemang sosyo-ekonomiko sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Sa katunayan, kasabay ng ika-pitumpu’t limang taong ito ng deklarasyon sa karapatang pantao, patuloy na nagaganap ang iba’t-ibang gyera, pananakop, at panunupil sa maraming panig ng daigdig. Nariyan ang patuloy na pag-angkin ng Israel sa Palistina. Ang gera sa pagitan ng Rusya at Ukraine. Ilan lamang ito sa patuloy na pananalasa ng mga naghahari-harian sa mundo na hindi kumikilala sa mga karapatang pantao ng kanilang kapwa mamamayan. Patuloy ring nagaganap at umiigting ang pandaigdigang krisis na nagpapahirap sa maraming mamamayan ng mundo. Nagpapatuloy rin ang pagwasak sa ating kalikasan sa ngalan ng negosyo at tubo habang ang mga tagapagtanggol ng kalikasan ay inaatake, tinatakot, at pinapatay.

Sa Pilipinas nananatiling nasa krisis ang karapatang pantao dahil sa nagpapatuloy na giyera laban sa droga at giyera laban sa kritisismo. Hanggang ngayon walang pananagutan sa batas ang mga salarin sa malawakang extrajudicial killing, militaristang pagtugon sa pandemya, korapsyon, pagpapakalat ng maling impormasyon, at pag atake sa mga human rights defenders. Nariyan rin ang iba’t-ibang usaping bumabalot sa ating bansa mula sa patuloy na pagtaas ng bilihin na dagdag pasakit sa bawat Pilipino, ang pagsira sa ating karagatan, pagpatag sa ating mga kabundukan, kawalan ng pananagutan ng gubyerno gaya ng hindi nito pagkilala sa proseso ng ICC sa mga patayang ginawa sa ating bayan, kawalang pagkilala sa karapatan ng mga minorya, pagkamkam ng mga lupaing ninuno, patuloy na pagliit ng oportunidad ng mga kabataan na makapag-aral, pagpatay sa mga environmentalist, redtagging sa mga human rights defenders, at marami pang iba.

Sa ganitong sitwasyon sa atin nakasalalay ang pagsasakatuparan ng adhikain ng Deklarasyon para sa buhay na may dignidad, kalayaan at hustisya para sa lahat.

Tandaan nating hindi kusang hinahatid sa atin ang ating karapatan, ito’y ipinaglalaban, iginigiit, pinalalawak, ipinapagwagi, at tuluy-tuloy na pinagtitibay gamit ang ating pinagsamang tinig, lakas, at pagkilos. Bagamat nariyan na ang deklarasyon, lagi’t-lagi nating tungkulin ang ipaalala laluna sa mga gubyerno ng mundo na ito ay dapat kinikilala, isinasakatuparan, at ipinagtatanggol.

Ang lubos na katuparan ng Deklarasyon ng Karapatang Pantao ay mamamayani lamang sa pagtupad ng sambayanan sa ating tungkulin na ito ay patuloy na igiit at ipaglaban.

Atin ang laban na ito. Ipagwagi ang karapatang pantao!