
In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) Analysis sa Tatlong Taon ng Gubyernong Marcos-Duterte
Nagsimula ang pamumunong Marcos-Duterte sa pangako ng UNITY at beinte pesos kada kilong bigas. Makalipas ang tatlong taon, mas matingkad na usapin ang bangayan ng panig ng dalawang dinastiya kaysa sa pagpapababa ng presyo ng bilihin, pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, at pagtugon sa problema ng kawalang paninirahan at katiyakan sa pagkain. Sa gitna ng pagkawasak ng tambalang Marcos-Duterte nagtala ng pinakamataas na antas ng kagutuman mula noong pandemic (27.2% ayon sa SWS).
Tatlong taon nalang ang natitira sa termino ng administrasyong Marcos-Duterte subalit malinaw na lalong lumala ang mga pang-araw-araw na suliranin ng mamamayan habang patuloy ang pag-atake sa mga komunidad at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Ang Estado ng Mamamayan sa ilalim ng Marcos-Duterte
Pumasa man sa Senado at mababang kapulungan ang Php50 umento sa sahod, ito’y lubhang mababa kung ikukumpara sa 1.3% inflation rate. Hindi ito maka aangat sa kakayahan ng mga manggagawang buhayin ang kanyang sarili laluna ang kanilang pamilya.
Kung pagbabatayan ang kakayahan ng manggagawa na bumili ng tinatawag na basic goods (pagkain, gamit sa bahay, personal na pangangailangan), ramdam ng bawat isa sa atin ang mahinang purchasing power ng mga Pilipino. Nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin sa merkado at sobrang baba ng sahod na hanggang ngayon ay nasa 695 Php sa NCR at mas mababa pa sa mga probinsya. Ginigiit ng mga grupong manggagawa ang pag pasa sa Php200 legislated wage hike para sa higit 5 milliong manggagawang kumikita ng minimum wage.
Malupit ang laban ng mga katutubo sa usaping ng mining, dam, at development aggression. Hindi sila kabahagi ng planong pang kaunlaran ng bansa, na naka balangkas sa pag agaw at pagwasak ng kanilang lupang ninuno. Higit na nanganganib ang kanilang komunidad sa muling pagbubukas ng gobyerno sa bansa sa mga mining consessionaires, kasabay ng pandarahas at red tagging ng military laban sa mga katutubong land at environmental rights defenders.
Ang mga bakwit ng Marawi na nawalan ng kanilang mga tirahan, kabuhayan, at nawalang identidad dahil sa nilikhang gyera ni dating Pangulong Duterte ay hindi pa rin nakababalik sa kani-kanilang mga lupa at tahanan. Walong taon ang nakaraan mula nang sila ay palayasin, nanaatili ang kalakhan sa mga temporary shelter na marami nang sira at walang malinis na tubig at mga pasilidad para sa pangangailangan ng mga tao laluna na mga kababaihan at bata. Kakailanganin na nilang magbayad mula sa sariling bulsa dahil natapos na ang kontrata ng gubyerno sa mga temporary shelters kahit wala pa ring naibibigay sa kanilang permanenteng tirahan.
Matinding krisis din ang hinaharap ng tagalikha ng pagkain. Sa desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang eksklusibong paggamit ng mga mangingisda sa 15 kilometrong municipal waters, pinayagan na nitong mangisda ang malalaking komersyong korporasyon sa 15 kilometer artisinal waters. Papatay ito sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda gayundin sa ecosystem ng baybayin dahil sa mapanirang kagamitan sa pangingisda ng mga korporasyon. Kasabay ito ng walang habas na reklamasyon at seabed quarrying sa iba’t-ibang baybayin ng ating bansa, Ang pananalasang ito sa kabuhayan at kapakanan ng mangingisda ay para sa negosyo at malaking tubo ng mga komersyong palakaya.
Sa ika-37 anibersaryo ng Repormang Agraryo kinondena ng mga grupong magsasaka ang napakabagal na acquisition at pamamahagi ng may 500,000 hektarya ng lupa, sa kabila ng pagsasabatas ng New Agrarian Emancipation Act na nagbubura ng higit PHP57.5 billion utang ng mga magsasakang CARL beneficiaries. Tinututulan din natin ang kabi kabilang conversion ng lupang sakahang dapat sana’y protektahan sa ilalim ng programang food security ng pamahalaan. Lumiliit ang sakahan ng palay at ang ating mga magsasaka ay hindi nabibigyan ng suporta upang matiyak sa kumpetisyon sa merkado. Ang subsidized na beinte pesos na bigas sa ngayon ay hindi sustinable at hindi stretehikong aksyon. Ang tunay na makakatulong ay ang pagkakaroon ng sistematiko at tunay na programa, upang iangat ang kanilang kapasidad at kalagayan.
Patuloy na pagkilos ng mamamayan para sa karapatan at kabuhayan
Ang patuloy na pagkilos, pag oorganisa at paghayag ng kani-kanilang kalagayan ay sinasagot naman ng patuloy na pag-atake sa ating karapatan na magpahayag at kalayaang bumuo ng mga organisasyong maaaring sandigan sa laban. Maraming mga organisasyon ang humaharap sa kaso sa ilalim ng anti-terror financing law, karamihan sa mga organisasyong ito ay mga humanitarian at disaster response na mga NGO. Sa bisa ng Anti Terrorism Act at Anti-Money Laundering Act, ang kanilang mga bank accounts at mga personal accounts ay naka-freeze at naka antala sa kanilang mahalagang gawain. Kadalasan itong ginagawa laban sa mga grupong biktima ng red-tagging ng mga local na opisyal, pulisya at militar.
Noong nakaraang Pebrero, sumalang ang Pilipinas sa pagsiyasat ng implementasyon ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights ng United Nations. Malinaw na hindi kinakatawan ng report ng gubyerno ang tunay na kalagayan ng masang Pilipino. Marami sa mga concluding observation ng ESCR Committee ang maaaring gamiting paraan upang igiit ang usapin ng mamamayan. Dapat bantayan ang gubyerno sa kanilang paggampan sa mga rekomendasyon ng ESCR Committee.
Eleksyong 2025 at Pihit ng Sitwasyon
Ang 2025 midterm election ay guguhit sa pulitikal na sitwasyon ng ating bansa dahil sa patuloy na bangayan ng dalawang dinastiyang pamilya na dating tumakbong magkasama sa ilalim ng UNITEAM, at lahat ng pulitikong may balak tumakbo sa 2028 ay pumupuwesto sa isa o parehong panig
Mainit na ang tunggalian sa pagitan ng Marcos at Duterte subalitlalo itong umigting noong sinurender sa ICC si Duterte upang humarap sa kasong Crimes Against Humanity of Murder. May puntos ito sa usapin ng pagpapanagot sa pinaka utak ng war on drugs subalit habang hindi pumupustura ang administrasyon tungo sa pagsapi muli sa ICC, mananatili ang dudang pulitika ang nasa likod ng pagkaka aresto at hindi hustisya para sa mga biktima ng Tokhang.
Sa Senado, nanganganib na hindi matuloy ang impeachment trial ni Sara Duterte dahil nakatuon ang mga Senador sa kani-kanilang sariling interest at hindi sa agarang pagtupad sa iniatas ng Konstitusyon. Sa katunayan ay sunod sunod na resolusyon para sa pagpapatakas kay Duterte ang inaatupag at hindi naman ang pagsasabatas ng mga pangangailangan ng mamamayan.
Pareho ang Senado at Kamara de Representantes na dominado ng mga pulitikal na dinastiya, lalo ang pagkakaroon ng ilang miyembro ng kanilang pamilya sa pwesto. Disbentahe ito at masama para sa ating demokrasya dahil mas ipagtatanggol lang ng mga dinastiya ang kanilang interes, hindi ang kapakanan ng masang Pilipino.
Sa Kamara, sa kabila ng malawakang pagbili ng boto, nanaig sa ilang mga lokalidad ang panalo ng mga kandidatong matuwid at kumakatawan sa good governance habang may pagkatalo naman ang ilang dinastiya gaya ni Cynthia Villar sa Las Pinas.
Sa pamamagitan ng pagkapanalo ng mga progresibong pwersa tulad ng AKBAYAN, ML, Kamanggagawa, ACT, Kabataan, at maging ang nakakagulat na top 5 nila Aquino at Pangilinan, may nakikitang pag asa sa mga kabataan na siyang pinakmalaking bahagi ng mga botante ngayon. Malaki ang implikasyon nito papuntang 2028.
Ang Tungkulin ng Mamamayan
Ang tatlong taon ng Marcos-Duterte ay balot ng mga pangakong hindi tinutupad, awayan sa kapangyarihan, at pagma maniobra para sa pansariling interes. Naiiwan pa ring walang katugunan ang mga tunay na usapin ng bansa.
Kung gayun, pinagtitibay natin ang ating paninindigan na isulong at ilagay sa unahan ng laban ang kagalingan ng sambayanang Pilipino.
Patuloy tayong nananawagan ng isang paggugubyernong nakabatay sa pagkilala at respeto sa karapatang pantao at sustinableng pag-unlad; tiyak at pangmatagalang solusyon sa problema ng mga sektor at ng ating bayan; at ang tuluyang pagpapanagot sa mga trapo, dinastiya at mga politikong lumulustay sa buwis ng taumbayan.
Ang ating mga Panawagan:
- Impeachment kay Sara, Ngayon na! Sugpuin ang korapsyon sa gubyerno.
- Hustisya sa lahat ng biktima ng War on Drugs! Panagutin at tiyakin ang conviction ni Duterte kasama ang lahat ng nagdisenyo at nagpatupad ng gera kontra droga.
- Isakatuparan ang mga rekomendasyon ng UN kaugnay sa Economic, Social, and Cultural Rights ng mga mamayan
- Regular na trabaho, Dagdag na sweldo, Pabahay, Pagkain ay serbisyong publiko, Huwag gawing Negosyo!
- Ipatigil ang pagmiminang sumisira sa kalikasan at komunidad ng mga mamamayan
- Ibalik ang 15 kilometers sa mga maliliit na mangingisda at ipatigil ang lahat ng reklamasyon sa baybaying dagat. Tutulan ang pagpapalit-gamit ng ating katubigan at kalupaan!
- Depensahan ang mga ancestral domains ng mga katutubo
- Ilabas na at ipatupad ang 4th National Human Rights Action Plan!
- Itigil ang red at terror tagging! Itigil ang paggamit sa mga batas upang atakihin ang karapatan sa pamamahayag ng mamamayan!
- Scrap ATA at ATFL!
- Abolish NTF-ELCAC!
- Rejoin the International Criminal Court (ICC)!
- Pass the HRD Protection Bill!
- Oppose the Reimposition of Death Penalty and the Lowering of the Minimum Age of Criminal Responsibility!
- Tiyakin ang Rights Based Approach to Governance!