Pahayag ng iDEFEND sa pagkakapaslang kay DJ Johnny Walker
Mariing kinokondena ng In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDefend) ang pagpaslang sa brodkaster na si Ginoong Juan Jumalon, kilala bilang DJ Johnny Walker, sa loob mismo ng kanyang tahanan at studio, noong ika-5 ng Nobyembre. Binaril si Jumalon ng ilang salarin habang naka livestream sa Calamba, Misamis Occidental. Si Jumalon ang ika apat na mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr.
Postura lang naiba sa pamamalakad ng Presidente Marcos sa dating pamahalaang Duterte, nananatili ang kawalang katarungan. Ayon sa Committee to Protect Journalists, kahanay ng Syria, Iraq at ng Israel, sa pinakamapanganib ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Sa kabila ng pagkakaroon ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) lubhang inutil ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay proteksyon sa mga mamamahayag.
Ayon pa sa National Union of Journalists of the Philippines bukod sa mga kaso ng pagpagslang, may mahigit 100 kaso ng pag atake sa mga mamamahayag kabilang na ang pagtitiktik, pangha harass, at pagsampa ng mga kasong libel at cyber libel laban sa kanila.
Ang pagkitil sa demokrasya ay nagsisimula sa pagpapatahimik sa media at ultimo kontrolin ang akses ng publiko sa napapanahon, mahalaga at mapagkakatiwalaang balita at impormasyon.
Kung seryoso ang pamahalaang Marcos Jr. sa layunin nitong patatagin ang demokrasya, ang maagap na imbestigasyon, pagtugis at paglilitis sa mga salarin ay dapat isakatuparan, hindi lamang sa kaso ni Jumalon kundi sa higit 100 pang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
Itigil ang pagpatay sa mga mamamahayag! Wakasan ang impunidad! Hustisya para kay Juan Jumalon!