Tumaas ng 30 milyong Pilipino ang nabubuhay sa kahirapan, ayon sa Listahan 3 ng DSWD. Malaking dahilan anya sa pagdami ng mahihirap ay ang hindi pagkakabalik sa trabaho ng maraming manggagawa pagkatapos ng COVID19 lockdown. Tumaas din sa 12.6 mula sa 12.2 milyon ang mga pamilyang nagsabing naghihirap sila, ayon sa tala ng Social Weather Station. Ayon naman sa Philippine Statistics Authority nasa walong porsyiento na ang inflation rate sa bansa, pinakamataas sa loob ng labing apat na taon. Mas mataas sa kanlurang bisaya na nasa 9.6%, Davao region na may 9.7% at Gitnang Luzon na may 8.8%!
Walang habas ang pagtaas ng presyo ng pagkain habang nakapako sa “hunger wage” ang kalakhan ng mamamayang Pilipino. Lumalala ang krisis sa pabahay. At nananatili ang panganib ng pandemya. Ano ang tugon ng gobyerno dito? Intelligence Funds, Confidential Funds, Maharlika Investment Fund!
Samantala, limos ang itatapat sa mabigat na suliranin sa kabuhayan. Kung gaano kalaki ang mga discretionary funding na hindi maaaring ungkatin ng mamamayang pipigaan ng buwis ng gubyerno; kung gaano kalaki ang utang na ipapapasan muli sa taumbayan, gayun naman ang tumal at tipid sa subsidyo’t ayuda tulad binuhay na Kadiwa, na binarat sa pondo, fuel subsidy na kakarampot ang nakakakuha at food subsidy na walang epekto sa harap ng malawakang smuggling ng mga produkto.
Lubhang manhid sa kalagayan ng ating lipunan ang gobyernong ito. Sa halip na itaas ang employment rate, itaas ang sahod at palakasin ang social protection, prayoridad pa rin nito ang pagtugis sa mga kritiko gamit ang confidential at intelligence funds; sa halip na buhusan ng suporta ang local na produksyon ng mga batayang pangangailangan, dudukot pa ito sa kaban ng bayan upang bumuo ng Sovereign Wealth Fund gayong lubog na nga sa utang ang Pilipinas at walang nagaganap na economic recovery.
Kailangan natin ngayon ay kongkretong hakbang na magtatawid sa marami sa ating kababayan mula sa kahirapan at magtitiyak sa isang buhay na may dignidad. Ating igiit at ipaglaban, maunlad na kinabukasan para sa lahat. Deserve natin ito at higit pa!
EKONOMIKONG KRISIS, BIGYANG SOLUSYON!
PANANAGUTAN NG GUBYERNO SA MAMAMAYAN, IGIIT, IPAGLABAN!