Skip to main content

Araw ng Kalayaan sa ilalim ng pamumuno ng traydor na Pangulo

Philippine flag on a cloudy sky

Friday, 11 June 2021

Pahayag sa ika-123 taon ng Araw ng Kalayaan

Sa araw na ito, ika-12 ng Hunyo ay ginugunita ng iDEFEND ang ika-123 anibersaryo ng ating paglaya mula sa dayuhang pananakop. Binibiygang pugay ng sambayanang Pilipino ang mga rebolusyonaryong nakipaghimagsikan upang wakasan ang kalupitan, pangangayupapa at paghihirap sa ilalim ng kolonyalismo. Silang mga nangahas magsalita, kumilos at tumutol, ay unang nangarap ng buhay na malaya at mapayapa para sa lahing Pilipino, noon, at sa mga susunod na henerasyon. Silang mga nangahas, ang nananatiling huwaran ng ganap na pagka Pilipino, ng matuwid na pagkatao at tapat na liderato.

123 taon ang lumipas mula nang ideklara ang kalayaang ito, ano na ang kahulugan ng kalayaan sa ating panahon? Gaano kahalaga ang patuloy na pagrerebolusyon tungo sa tagumpay ng pangarap na inaasam?

Taong 2016 nang mahalal sa pagka pangulo si Rodrigo Roa Duterte, tangan ang programang walang ibang tunguhin kundi ang karahasan, kahirapan, seksismo, at katiwalian: higit tatlumpung libong extrajudicial killing (EJK) sa ialalim ng malagim na giyera laban sa mamamayang Pilipino; higit pitong milyong pamilyang araw araw ay gutom[i]; apat na milyong walang hanapbuhay[ii] at nananatiling lugmok sa kahirapan; 9 trilyong pambansang utang[iii], at higit 1.2 milyong kaso ng COVID19 sa ilalim ng palpak na tugon sa pandemya at pinakamahabang lockdown sa buong mundo.

Karugtong nito ang lalo pang pinaigting na giyera ng pamahalaan laban sa lehitimong pag oorganisa, pagtitipon at pamamahayag, sa pamamagitan ng pagsasabatas at pagpapatupad ng mga patakarang labag sa karapatang pantao at labag sa malayang pamamahayag. Kabilang na dito ang Anti- Terrorism Act 2020 na sinalubong ng 38 petisyon sa Korte Suprema. Gayundin ang SEC memorandum 25 na magpapahamak ang ating mga miyembro at mga komunidad, lalo na iyong patuloy na nire-red tag ng mga pulis at militar.

Samantala patuloy ang pagtraydor ni Duterte sa bansang Pilipinas. Nananatili itong nakapanig sa Tsina sa kabila ng maraming agresyon ng militar nito laban sa mga Pilipinong mangingisda at mamamahayag. Higit sa 800 bilyong pisong halaga ng yamang dagat at bahura ang sinira at ninakaw ng Tsina mula sa bansa[iv]. Higit pa riyan kung bibilangin ang pinsalang dinulot sa kabuhayan ng mga mangingisda. Ang pagkanulo ni Duterte sa usapin ng West Philippine Sea ay di kailanman matatanggap ng mamamayang Pilipino. Sa pinakahuling Araw ng Kalayaan ni Duterte siya’y nakatala sa kasaysayan bilang pinaka traydor na pangulo ng ating panahon.

Maikling panahon na lamang ang natitira bago ang susunod na halalan. Pagkakataon nang wakasan ang balahurang pamumuno ni Duterte at ng kanyang lipi. Tiyakin nating hindi na makakabalik sa pwesto ang sinumang Duterte. Itaguyod natin ang diwang rebolusyonaryo tungo sa pagtatanggol ng ating Karapatan, Kasarinlan at Kalayaan. Ipagbunyi ang lakas ng pagkakaisa ng mamamayang lumalaban para sa demokrasya, at pamumunong may pananagutan.

 

[i] Social Weather Stations | SWS September 17-20, 2020 National Mobile Phone Survey – Report No. 2: Hunger at new record-high 30.7% of families

[ii]Jobless Filipinos balloon to 7.3 million in April as unemployment soars in lockdown | ABS-CBN News

[iii] Business World|Pandemic pushes Philippine gov’t debt to P9.8 trillion - BusinessWorld (bworldonline.com)

[iv] CNN News|China owes Filipinos over ₱800B in marine damage, losses - Hontiveros (cnn.ph)