Pahayag para sa ika-76 Anibersaryo ng Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (UDHR)
Mula noon pa man, pinapangarap na natin ang masaganang buhay para sa lahat—matiwasay, ligtas, at may dignidad. Ngunit hanggang nanatili ang malawak na kahirapan, kawalan ng hustisya, at pagkawasak ng kalikasan, tayo ay patuloy na nakakulong sa sistemang nagpapahirap, naglulugmok, at nag-aalis sa ating dignidad bilang tao. Hindi matutupad ang pangarap ng isang makatao, makatarungan at mapagkalingang lipunan kung mananatili tayong walang-kibo. Ang pagbabago ay nagsisimula sa pagkilala at pagpapahalaga sa dignidad ng bawat isa, sapagkat ang bawat tao ay may karapatang mabuhay nang may dangal—malaya mula sa karahasan, diskriminasyon, at pang-aabuso.
Panahon na upang ang lipunan ay maglingkod sa taumbayan at hindi sa interes ng iilan. Panagutin ang mga nagkasala sa paglabag sa ating mga karapatan—mula sa mga batang naulila ng madugong gyera kontra droga hanggang sa pagsupil sa kalayaang magpahayag at mag-organisa, at sa malawakang katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan. Ang sistemang nagpapayaman sa iilan habang naghihirap ang nakararami ay kailangang palitan ng isang makatarungan at makataong sistema na nakabatay sa pagkakapantay-pantay at kooperasyon.
Ang kawalan ng katarungang panlipunan ay isa sa pinakamalaking hadlang sa ating pag-unlad. Sa isang sistemang ang yaman ng bansa ay pinapakinabangan lamang ng iilan, habang patuloy na naghihirap ang nakararami. Kailangang isulong ang tunay na reporma sa lupa, makatarungang sahod, disenteng trabaho, at abot-kayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, at pabahay. Ang mga ito ay hindi mga pribilehiyo kundi mga batayang karapatang pantao na dapat makamtan ng lahat.
Gayundin, mahalaga ang kalikasan bilang bahagi ng ating buhay, ngunit ito’y patuloy na nasisira dahil sa ganid na interes ng negosyo. Dapat nating ipaglaban ang sustenableng paggamit ng likas na yaman upang matiyak ang kinabukasan ng tao at ating bansa.
Sa ating lipunan, ang pagkakaiba-iba sa kasarian, kultura, katayuang pang-ekonomiya, kakayanan, at pananampalataya ay dapat ituring na yaman, hindi sagabal. Walang puwang ang diskriminasyon at patriyarka sa isang lipunang may paggalang at pagkakapantay-pantay.
Ang matinong pamamahala ay nakikita sa pagkakaroon ng mga lider na may malasakit sa tao, may integridad, at nagsusulong ng makatarungan at makatuwirang mga programa at patakaran. Kailangang labanan ang elitismo at dinastiya na nagkakait sa ating karapatang magpasya at makilahok. Higit pa sa eleksyon, ang tunay na demokrasya ay nagmumula sa ating aktibong partisipasyon sa araw-araw na pamamahala ng lipunan. Ang bawat isa ay may tungkuling magbantay, makilahok, at mag-ambag sa sa pagsulong ng lipunan.
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, isabuhay natin ang mga prinsipyong nagbibigay garantiya sa ating dignidad, ang pagkakaroon ng pagkapantay-pantay, at pagbibigay galang sa bawat isa. Ang ating mga karapatan ay pundasyon ng ating kinabukasan, ngunit kinakailangan nating ipaglaban at depensahan ang mga ito ng sabay-sabay, sama-sama, at tuloy-tuloy.
Hindi magiging madali ang laban, ngunit sa ating pagkakaisa at kolektibong pagkilos, kaya nating baguhin ang ating kalagayan. Nasa ating mga kamay ang daan para sa katuparan ng ating pangarap- ang isang lipunang makatao, makatarungan, mapagkalinga at makakalikasan.
Sapagkat ang ating karapatan, ang ating kinabukasan—ay ating laban!